BMIM sa FB

Friday, December 23, 2011

ANG PULONG NA WALANG DUMALO

Ilang araw ang lumipas matapos ang Project Burger, wala pa yatang isang linggo ay natyempuhan ko ang isang lathala sa aking Dashboard. Ang titulo nito ay "Blog mo, Ipasuot Mo.". Maganda ang layunin ng mga balak ng sumulat. Makatutulong sa nangangailangan at sa mga kalahok, kung sakali man na may maki-isa sa balak niyang proyekto. Nang mabasa ko ang kabuuan ng lathala ay nahikayat akong agad na magpahayag ng suporta sa ideyang naglalaro sa kanyang isip.

Nagkaroon ng pribadong palitan ng kuru-kuro at ideya sa pagitan namin ni JH Alms (The Karakas at Salaula Sa Tinta). Nalaman ko na may mangilan-ngilan rin palang iba pa ang nagpahayag ng kanilang suporta sa proyekto. Dahil dito ay nagdesisyon na siya na ipagpatuloy ang proyekto. Hindi na namin iniisip na magiging isa ito proyekto. Ang tanging nais lamang namin ay maituloy at maiabot sa mga bata ang kahit gaano man ang makayanan at makolekta naming tulong. Gumawa siya ng hiwalay na blog para sa proyekto kasabay ng grupo sa Facebook, na kung saan kami dapat manghihingi ng opinyon mula sa mga miyembro. Mabilis na dumami ang miyembro ng grupo. Nagkaroon ng mangilan-ngilang palitan ng opinyon at ideya mula sa maliit na bahagi ng samahan. May mga mukhang interesado talagang makiisa, merong hindi mo alam kung sumali lang para masabing ka-isa sila, may mga hindi mo malaman kung talagang kaisa talaga dahil hindi nagbibigay ng opinyon.

Maraming mga katanungan ang lumabas at inihingi ng opinyon sa iba pang kasapi, pero may mga matitigas talaga ang ulo na parang nagtitrip lang sa pahina kaya medyo nakakagulo na. May mga makukulit at para bang hindi marunong sumunod sa panuto. Marami rin ang hindi umiimik.

Nagkaroon ng usapan noong nakaraang linggo na magkakaroon ng isang meet-up para sa meeting ng mga kasapi sa proyekto. Naglathala kami sa blogsite ng anunsyo kung saan hinihingi sana namin ang mga pangalan ng mga dadalo. Wala kaming nakuhang pangalan. Dahil dito ay napagpasyahan na lamang namin ni Jesse na kaming dalawa na lamang ang magkita at huwag nang magsayang ng oras para pumunta pa sa MOA.

Sabado ng hapon, bandang 4PM-5PM.

Sa SM San Lazaro ang napag-usapan namin na bagong tagpuan para sa gaganapin na pulong (na kaming dalawa rin lang naman ang dumalo). Dapat ay magbubukas na kami ng bank account para sa proyekto pero sa kasamaang palad ay kinulang kami ng dalang ID. Ipinagpabukas na lamang namin ang pagbubukas ng account at dumiretso na kami agad sa bahay nila Jesse. Doon ay nag-usap kami sa maaari pang gawin para sa proyekto. Lumabas ang mga tanong na kailangang sagutin para sa proyekto.

Ito ang mga tanong ayon sa pagka-alaala ko:
  • Kailan gaganapin ang proyekto?
Sa orihinal na balak ay dapat Abril o Mayo gaganapin ang proyekto. Pero nagdesisyon kaming agahan ito. Masyado kasing matagal iyon at baka mawalan ng interes ang mga kasapi dahil sa tagal ng paghihintay. Binago na iyon at inilipat sa buwan ng Pebrero.
  • Saan mapupunta ang mga damit na ibibigay ng bawat kasapi/donor?
Sa kasalukuyan ay naghahanap pa kami ng institusyon o komunidad na maaaring makatanggap ng mga donasyon. Kung may alam kayo o nais na matulungan ng proyekto, muli ay mag-iwan ng mensahe sa "Tumblr Ask" o tumawag sa mga numero na nakalista sa "About The Project" tab.

Kahit anong, tulad nito:



o kaya ay sa mga lugar na may mga katulad nito:



Bukas pa rin po kami sa lahat ng suhestiyon. Ang mahalaga ay mabigyan natin ng tulong ang mga kabataang salat at walang maisuot na maayos na damit.
  • Paano nga ba malilipon ang mga damit para sa gaganaping proyekto?
Dahil sa tanong na ito, naisip namin na tayong mga bloggers ay magkakanya-kanya na lamang sa pagkolekta ng makukuha nating suporta mula sa ibang mga tao na may mabubuting puso at nais makiisa pero walang blog. Magkakaroon tayo ng  isa pang pagkikita o pagpupulong o meet-up sa buwan ng Enero (maghintay na lang ng anunsyo para sa tiyak na petsa). Dito ay dadalhin na ang mga nakuhang donasyon at mga donasyon mula sa sarili nating bulsa, para pagsama-samahin at malaman ang ating tiyak na bilang ng mga damit na kaya nating ipamahagi sa mga bata.

Kung mayroon mang karadagang donasyon ay maaari na itong dalhin sa mismong araw ng Unang Sabak. Sa mga nasa malalayo naman ang tinitirhan o malayo sa Manila, maaari niyong ipadala sa amin ang mga t-shirt (mag-iwan lamang ng mensahe sa Tumblr Ask para malaman ang eksaktong address ng padadalhan. Kung maaari po ay mag-iwan na rin ng numerong pwede naming tawagan o i-text upang mapadali ang proseso) o maari rin naman kayong maghulog na ng donasyong pera sa bank account na nasa "About The Project" tab. Pwede rin kayong magtext o tumawag sa mga numerong nakalista.

**Maaari pong magtanong sa amin kung mayroon pang hindi malinaw sa mga nabanggit.


~ MGA EKSENANG NAHULI NG LENTE. ~





No comments:

Post a Comment