BMIM sa FB

Saturday, February 25, 2012

BMIM: Unang Sabak

Nagsimula lahat sa isang ideya. Binuo, hinulma, nilagay sa plato ng pagpupursigi para maging posible na mangyari. Naghanap ng ilang taong pwede pang mahikayat sa binabalak na proyekto. Gumawa ng samut-saring paraan para magkaroon ng komunikasyon. Sa tulong na din ng Facebook at iba pang social-networking sites sa internet, nagkaroon ng ilang taong interesado. Naging maganda ang batuhan ng ideya, ipinupukol sa proyekto ang bawat salita ng mga nais sumali. Parang nagkaroon ng biglaang pagbukas ng tindahan na naging interesado ang lahat dahil sa kakaibang tinda nito. Hanggang lumipas ang ilang buwan. Maraming oras ang nagdaan. Ang mga naging interesado sa tinda namin nung unang buwan ng paglahad ng proyekto, unti-unting nalimas habang dumadaan ang araw. Pero ganon pa man, hindi ito naging hadlang para maging pader na haharang sa rumaragasa naming adhikain. Ang makatulong sa mga bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos na damit. At sa wakas, nitong buwan naganap na ang unang sabak.


February 19, 2012, araw ng Linggo. Alas otso ng umaga. Habang ang ibang mga tao ay nagsisimula pa lang salubungin ang init ng araw, ang iba ay nagsisimula pa lang maligo para magsimba at ang iba naman ay inaalmusal na ang salita ng diyos sa simbahan. Nagkita-kita na ang mga sasali sa proyekto. Sa una ay akala namin apat lang kami. Dahil nung huling meeting na ginawa bago ang Unang Sabak ay aapat lang kaming pumunta. Pero laking gulat namin nung may tatlong tao pang dumagdag sa amin. Naging saksi ang pinakasikat na payaso sa buong mundo (McDonalds) dahil doon namin napagdesisyonang magkita-kita.

Sa Pandacan ang unang lugar. Dito kasi minungkahi ng isang miyembro na gawin ang unang sabak. Marami daw kasing bata dito na medyo kapos sa maaayos na damit. Matinding kaba ang nabubuhay sa kalooban namin. Ilang libong daga ang tumatakbo sa aming dibdib.

Alas diyes ng makumpleto ang grupo. Dalawang oras na paghihintay. Nagsimula na kaming ayusin ang mga bala para sa susuguran naming giyera. Ang mas nakakakaba lang, tanging bala lang ang dala namin. Kung may taktika man para maipanalo ang giyera para maging positibo ang kahihinatnan, hindi ganon katalas. Kumbaga sa sundalo, mga baguhan pa lang kami. Kumbaga sa preso, bagong salta pa lang. Wala pa kaming tattoo at hindi pa kami kalbo.

Nilagay sa bawat supot na may kasamang kaunting candy, ang mga damit. Alam naming hindi kumpleto ang pagiging bata ng isang bata kung hindi sila mapapangiti ng candy. Kaya bukod sa t-shirt ay may kasamang candy ang ipamimigay namin. Ang napaghandaan lang naming tshirt ay kulang-kulang 20 piraso. May sobra kaming 15 piraso para sa emergency. Baka sakaling dumugin kami ng mga bata. Mapagkamalan kaming mga artista.

Makalipas ang ilang minuto, nagsimula nang lumakad ang grupo. Dala-dala ang mga damit at kaba namin, nilakbay na namin ang Pandacan Manila mula sa Pedro Gil. Sakay ng jeep, bayad ng pamasahe, hinga ng malalim. Naglalaro na sa isip namin ang mga pwedeng mangyari mamaya.

  * pwedeng wala kaming abutan na mga bata.
  * pwedeng umulan ng malakas.
  * pwedeng pagkaguluhan kami dahil mukha talaga kaming artista.

Ilan lang 'yan sa mga naiisip namin habang nasa jeep. Hanggang makarating na kami sa destinasyon. Pagbaba namin, wala kaming nakitang bata. Lalong lumikot ang mga daga namin sa dibdib. Matinding kaba. Salamat nalang kami dahil may alam pa daw na lugar ang isang kasama namin na pwedeng hide-out ng mga bata. Isang park na hindi gaanong kalayuan sa unang venue namin.

Tinungo na namin ang park. Wala pa ring bata. Naglakad pa kami ng konti hanggang makakita kami ng iilang mga batang naglalaro ng volleyball. Dalawa sa kasama namin ang nagtawag sa kanila. Sa una, medyo mahirap silang hikayatin. Mukhang mali ang nasa isip ko na pagkakaguluhan kami. Mukhang ayaw nilang maniwala na mabubuti kaming tao. 'Yung ibang bata akala na estudyante pa kami at requirements lang daw ang gagawin namin para makagraduate.

Pero hindi naman sila ganoon kahirap kumbinsihin. Gamit ang makamandag na karisma ng kasama namin, napapayag nilang sumali ang mga bata sa maikling proyektong gagawin namin. Napaniwala din nami sila na hindi kami isang grupo ng sindikatong kikidnap sa kanila at ikakalat sa kalye ng Manila para gawing palaboy at pulubi para mamalimos.

Nang matipon na ang mga bata, nagsimula na ang programa.

Konting pahapyaw sa mga bata:


- Ilan lang sila sa mga batang nakiisa samin -

Nagkaroon din ng koting palaro para sa kanila. Larong pambatang pinoy ang naisip naming ipalaro. Tamaang tao. Simple lang ang rules, pag ikaw ang taya ikaw ang magbabato ng bola sa kalaban. Dapat tamaan mo sila para maalis sa laro. Ang grupong may pinakamaraming kakampi na natira, sa loob ng dalawang minuto, ang mananalo.


         

         

- Larong Tamaang Tao -

Nanalo dito ang grupo ng mga 8-10 years old. 

Ikalawang laro ay ang laging pinapalaro sa mga bata tuwing may birthday party. The Boat is Sinking. Simple lang din ang rules dito. Dapat maggrupo ng mga kasali kung anong number ang sinabi ng nagpapalaro. Halimbawa, "The boat is sinking, group yourselves into 8". Dapat walo ang bilang ng mga bata sa isang grupo. Ang kasaling walang grupo, tanggal sa laro. Pwede ring magyakapan dito. -- ng mahigpit.



- Sabi sa inyo e, pwedeng magyakapan -

Medyo konti lang ang oras na binigay sa amin ni Manong Guard, kaya pagkatapos ng laro nagsimula na kaming magbigay ng mga t-shirt sa kanila.


   


        


- Ang mga dumalo sa unang sabak -

Maraming bata ang hindi naabutan ng t-shirt. Hindi namin inaasahan na dudumugin kami ng mga bata. Bukod kasi sa unang nagpunta samin, may ilang mga bata pa ang dumagdag habang tumatakbo na ang laro. Kaya hindi namin nabigyan lahat ng batang naroon. Kung sakaling mabasa man nila 'to, lubos kaming humihingi ng pasensya kung hindi kayo nabigyan. Hindi pa naman ito ang huli. Nagsisimula pa lang kami.

Pagkatapos ng pamimigay at habang inaantay namin ang inorder na pagkain, nagpicture-picture muna kami. Kasama ang mga may akda sa bawat logong nakatatak sa t-shirt, nagpakuha kami kasama ang mga bata.



- The Karakas, Pablo Quaderno, Sabi ng Mamako, Periodonpururut -
.tumblr.com

Nagpakuha din kami kasama ang lahat ng mga batang nabigyan.



- Kabuuan ng mga batang nabigyan -

Pagkatapos ng bigayan at palaro, syempre hindi mawawala ang konting pagkain para sa mga bata. Sinimulan na namin ang pila para maging maayos ang bigayan ng pagkain. At nakakatuwang isipin, sinunod naman kami ng mga bata. Maayos silang pumila at masaya nilang kinain ang binigay namin.



- Masayang pagkain ng mga bata -


- Syempre, hindi mawawala ang dasal bago kumain -


Ilang minuto lang ang itinagal ng kainan. Maraming natirang pagkain kaya minabuti na naming ibigay na lang ito sa ilang mga batang hindi naabutan ng mga damit. At masaya naman nilang tinanggap ang binigay namin.

Sa unang sabak, hindi inaasahan ng grupo na magiging ganito ang kalalabasan. Ang inaakala naming 20 bata lang, pero umabot ng mahigit sa inaasahang bilang ang dami ng mga bata. Nakakapagod pero nakakatuwa. Bilad man kami sa init pero masaya. At naisip naming isa sa pinakamagandang parte ng buhay natin ay ang minsan tayong naging bata. Dahil dito, hindi kaplastikan ang ngiting binibigay natin. Konting ngiti na taos at di maikukubling mula sa puso.


- Jump shot -

"Hindi pa ito ang huli, nagsisimula palang kami....."

____

Ito pa ang ilan sa mga larawan, mula sa Unang Sabak.




_________________________________________________

Malaya kayong bisitahin ang mga sumusunod. 

Sa facebook account niyo din makikita ang kabuuwan ng mga picture.

No comments:

Post a Comment